Isinusulong ni Parañaque City Representative Brian Yamsuan ang isang panukalang batas na magpapalakas at magmomodernisa sa Philippine Blood Center (PBC).
Layunin ng House Bill No. 7871 na gawing isang malayang pambansang awtoridad ang PBC para sa ligtas at sapat na suplay ng dugo sa bansa.
Sa ilalim ng panukala, bibigyan ang PBC ng legislative charter, administratibong awtonomiya, at sapat na pondo upang mas epektibong matugunan ang kakulangan sa suplay ng dugo, lalo na sa panahon ng kalamidad at mga pampublikong emergency.
Ayon kay Yamsuan, mahalagang mapalakas ang PBC dahil kritikal ang papel nito sa pagsagip ng buhay at pagtugon sa pangangailangan ng mga pasyente.
Aniya, itinatag ang PBC noong 2005 sa pamamagitan lamang ng isang administrative issuance ng Department of Health (DOH), kaya nakadepende ang badyet at mga prayoridad nito sa mga executive issuance.
Sa ilalim ng HB 7871, maglalaan ng panimulang pondong P100 milyon para sa PBC upang makapag-invest sa makabagong teknolohiya at mga pasilidad at matugunan ang taunang pangangailangan na 1 milyong unit ng dugo sa bansa.