Pormal nang lumagda ang Sweden, Poland, Romania, at Lithuania sa Treaty of Amity and Cooperation (TAC) ng ASEAN, kasabay ng pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng kasunduan, bilang patunay ng lumalawak na suporta ng international community sa pagsusulong ng kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
Pinangunahan ng Pilipinas, bilang ASEAN Chair, ang makasaysayang seremonya ng paglagda sa instrument of accession ng apat na bansang Europeo. Ayon kay Foreign Affairs Secretary Maria Teresa Lazaro, ang dating kasunduang nilagdaan ng limang founding members ng ASEAN noong 1976 ay isa na ngayong pandaigdigang simbolo ng paggalang sa soberanya, mapayapang pagresolba ng sigalot, at kooperasyon.
Aniya, ipinapakita ng paglawak ng TAC ang patuloy na pagtitiwala ng iba’t ibang bansa sa mahalagang papel ng ASEAN sa pagpapanatili ng isang rules-based at matatag na kaayusang pandaigdig.
Sa pagsapi ng Sweden, Poland, Romania, at Lithuania, lalo pang lumawak ang komunidad ng mga bansang nakikiisa sa mga prinsipyo ng TAC, na ngayon ay umabot na 62 at inaasahang magbubukas ng mas malalim na ugnayan sa ASEAN sa larangan ng seguridad, ekonomiya, at pagpapanatili ng kapayapaan sa gitna ng lumalalang pandaigdigang hamon.