Naghain ang Special Panel of Investigators ng Office of the Ombudsman ng Supplemental Complaint Affidavit laban kina dating House Speaker Martin Romualdez, dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co, at iba pang indibidwal kaugnay ng mga kasong plunder, graft, bribery, at money laundering.
Bahagi ito ng preliminary investigation kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control projects.
Aabot sa 104 na pahina ang Supplemental Complaint Affidavit, na naglalaman ng mga bagong dokumento, testimonya, at iba pang ebidensya.
Kabilang sa mga binanggit dito ang umano’y paghahatid ng pera na nasa maleta sa iba’t ibang lugar, gayundin ang iba pang transaksyon na sinasabing magpapatibay sa mga kasong isinampa laban kina Romualdez at Co.
Ayon sa reklamo, tinatayang umabot sa ₱56 bilyon ang umano’y ill-gotten wealth mula 2022 hanggang 2025 na iniuugnay sa umano’y sabwatan nina Romualdez at Co.
Matatandaang si Romualdez ang House Speaker noong mga panahong ito habang si Co ang Chairperson ng House Committee on Appropriations.
Nauna namang itinanggi ni Romualdez ang mga alegasyon laban sa kanya at sinabing haharapin niya ang anumang imbestigasyon at kasong isasampa laban sa kanya. | ulat ni Diane Lear