Pormal nang nagbukas ang second regilar session ng 20th congress ng senado ganap na alas diyes umaga nitong Lunes.
Present ang 21 na senador sa sesyon ngayong araw, na pinangunahan ni Senate President Sherwin Gatchalian.
Sa kanyang naging talumpati sa pagbubukas ng sesyon, sinabi ni Gatchalian na pangunahing layunin ng Senado ang pagpapasigla ng ekonomiya at pagtugon sa pang-araw-araw na suliranin ng mga Pilipino.
Pinunto niya na bumaba ang growth forecast ng Pilipinas para sa 2026, kaya kailangan ng agarang mga repormang magpapalakas sa ekonomiya, makalilikha ng trabaho, at magpapagaan sa gastusin ng mga pamilya.
Binigyang diin din ng senate president ang kahalagahan ng agarang pagpasa ng 2027 national budget para hindi maantala ang mga serbisyo at proyekto ng pamahalaan.
Nangako itong ipagpapatuloy ang mga reporma sa transparency sa budget process, kabilang ang livestream ng bicameral conference at paglalathala ng budget documents sa Senate Transparency Portal.
Inisa-isa rin ni SP Gatchalian ang limang pangunahing prayoridad ng Senado:
- ang pagpapababa ng presyo ng pagkain, lalo na ng bigas, sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Rice Tariffication Law at pagpapalakas ng rice reserves ng NFA habang pinoprotektahan ang mga magsasaka.
- ang pagpapataas ng take-home pay ng mga manggagawa sa pamamagitan ng Ginhawa Bill, kabilang ang income tax exemption sa mga kumikita ng hanggang ₱400,000 kada taon at pag-alis ng buwis sa overtime, holiday pay, night differential, hazard pay, at service charge.
- Pagpapababa ng singil sa kuryente sa pamamagitan ng ERC Strengthening Bill at pagrepaso sa Downstream Oil Industry Deregulation Act para maging mas transparent ang presyo ng produktong petrolyo.
- Pagpapabilis ng mga proyektong pang-imprastraktura sa ilalim ng Masterplan for Infrastructure and National Development (MIND) Bill para makahikayat ng pamumuhunan at makalikha ng mga trabaho; at
- Pagpapalakas sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Magna Carta for MSMEs para mapadali ang access sa puhunan, credit guarantees, technical support, at mga proyekto ng gobyerno.
Iminungkahi rin ni Gatchalian ang paglikha ng isang ad hoc committee na tututok sa pagpapalago ng ekonomiya, paglikha ng trabaho, at pagpapababa ng cost of living.
Sinabi niyang ipagpapatuloy din ng Senado ang suporta sa edukasyon, kalusugan, at social protection.
Sa huli, nanawagan si Gatchalian ng pagkakaisa ng Senado, pamahalaan, at publiko para maisulong ang mga repormang magbibigay ng pangmatagalang pag-unlad para sa bawat Pilipino. | ulat ni Nimfa Asuncion