Kapwa ikinatuwa nina Pangasinan Rep. Mark Cojuangco at PHILRECA Party-list Rep. Presley De Jesus ang pagtutok ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa usapin ng kuryente sa kaniyang SONA.
Una rito ang pagsusulong ng paggamit ng nuclear energy. Ayon kay Cojuangco, matagal nang dapat itinutulak ang nuclear energy dahil mas stable aniya itong source ng kuryente kumpara sa solar o wind energy.
Bukod dito, aniya, higit na malaki ang maibababa sa presyo ng kuryente sa paggamit ng nuclear energy.
Pinawi rin niya ang mga agam-agam tungkol sa pagbuhay ng Bataan Nuclear Power Plant dahil, sa Estados Unidos, aniya, may mga mas lumang planta na ginagamit pa rin.
Umaasa naman si De Jesus na maging prayoridad na ang amyenda sa EPIRA Law matapos mabanggit ng Pangulo na dapat nang alisin ang system loss charges.
Binigyang-diin niya na sa kada Kongreso ay inihahain nila ang panukala upang maisakatuparan ito. Kaya naman umaasa siyang sa kaniyang huling termino sa Kongreso ay mapagtibay na ito.
Itinuturing namang highlight ni Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima ang pagdidiin ni PBBM sa soberanya ng bansa at pagkondena sa ginagawang pang-aagaw sa West Philippine Sea. Malaking bagay, aniya, ang pahayag ng Pangulo na hindi racist, hindi sinungaling, at hindi pasisiil ang mga Pilipino.