Pumalo sa halos tatlong milyong Pilipino ang wala nang binayaran sa kanilang pagpapa-ospital, sa ilalim ng Bayad na Bill Mo program, isang taon matapos ilungsad ng gobyerno ang programa.
Sa ikalimang State of the Nation Address (SONA), sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na isa lamang ito sa kaliwa’t kanang hakbang na ipinatutupad ng pamahalaan para maisulong ang kalusugan ng mga Pilipino, at upang mailapit sa mga ito ang access sa de kalidad na serbisyong medikal.
“Mula nang inilunsad matapos ang huling SONA, halos tatlong milyon na kapwa natin ang walang binayaran kahit singko sa kanilang pagpapagamot, gawa ng ating Zero-Balance Billing sa mga ward ng ospital ng DOH.” —Pangulong Marcos Jr.
Binanggit din ng pangulo ang YAKAP Program ng pamahalaan, upang mailayo ang Pilipino mula sa sakit, kung saan nasa 4.5 million Filipinos aniya ang nag-benepisyo sa libreng check up ng pamahalaan.
“At tugunan nang maaga ang nagbabadyang karamdaman. Sa taong ito, apat at kalahating milyon na ang nakapagpatingin mula sa dalawampu’t limang milyong Pilipinong nakarehistro sa programang ito.” —Pangulong Marcos Jr.
Nariyan rin aniya ang GAMOT program ng pamahalaan, kung saan nakakakuha ng libreng gamot ang mga Pilipino.
“Sa kaugnay nitong GAMOT program, ang miyembro ng PhilHealth ay makakakuha ng kailangang gamot mula sa mahigit dalawang libong accredited na providers. Ang bawat miyembro ay may benefit limit pa na dalawampung libong piso kada taon.” —Pangulong Marcos Jr.
Sa kasalukuyan, umakyat na aniya sa 75 mahahalagang gamot ang kasama sa listahan ng programang ito, na pinakinabangan na aniya ng higit 300,000 Pilipino.
“Mayroon diyang antibiotic, laban sa asthma, altapresyon, cholesterol, para sa diabetes, sa ubo, lagnat, at iba pang mga sakit na kadalasang nararamdaman.” —Pangulong Marcos Jr.
Ayon sa pangulo, bukod sa programang ito ng PhilHealth, ang bilang ng mga gamot na tinanggalan ng value-added tax, umabot na sa mahigit 2, 000.
“Mahigit pitong daan dito ay laban sa kanser; mahigit limandaan ay sa altapresyon; mahigit anim na raan naman ay laban sa diabetes at para rin sa mental health. Sa buwis na ito na ating tinanggal, ang side effect diyan ay mas mababang presyo nito sa botika. ” —Pangulong Marcos.
Sa kabila ng mga programang ito, hindi pa tapos ang administrasyon sa pagsusulong ng kalusugan ng mga Pilipino.
“Ngunit kung pag-iwas sa sakit ang ating tunay na pakay, kulang pa ito. Kailangang mas maaga ang pagbabantay. Kaya pinapalawak pa natin ang programang ito.” —Pangulong Marcos Jr.
Sa susunod na taon, unti-unti aniyang isasama ang iba’t ibang uri ng blood tests at gamot, sa covered ng programa, upang mas maagang matukoy at mabantayan ang posibleng sakit sa bato, atay, thyroid, at hepatitis B.
“Nariyan pa rin ang malaking suporta ng PhilHealth kung kailangan talagang magtungo sa pagamutan. Patuloy na pinaparami ng PhilHealth ang sakop nitong mga sakit, kundisyon at serbisyo. At itinaas din nito ang limit, upangmatiyak na sumasabay ito sa pagtaas ng presyo.” —Pangulong Marcos Jr. | ulat ni Racquel Bayan