Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kongreso na palawigin ang covered ng tax exemption, at ipabilang ang mga manggagawa na kumikita ng PhP350, 000 kada taon.
“Dagdagan natin ang mga manggagawang malilibre sa buwis sa kanilang kita. Isasama na natin ang mga kumikita ng hindi lalagpas sa PhP350,000 kada taon.” -Pangulong Marcos.
Ang hakbang na ito ayon sa pangulo ay dahil kabilang rin ang middle class sa mga nabibigatan sa epekto ng Middle East crisis.
“Ngunit hindi natin kaliligtaan ang ating mga manggagawang Pilipino, lalo na ang mga middle-class, pati na ang mga maliliit na negosyo. Alam natin na sila rin ay nabibigatan sa epekto ng krisis.” -Pangulong Marcos Jr.
Sabi ng Pangulo, upang maipagpatuloy ang progreso para sa middle class sa gitna ng epekto ng krisis, isusulong ng pamahalaan ang tax relief measures, na magsuslong ng paglago at magpapataas ng kita ng mga Pilipino.
”To ensure the continued progress of the middle class amidst the lingering effects of the crisis, we will pursue tax relief measures that promote growth, that generate revenue, and advance equity toward socio-economic sustainability.” -Pangulong Marcos.
Sabi ng Pangulo, sa ganitong paraan, mas mapakikinabangan ng middle class ang kanilang pinaghirapang kita.
Kaugnay nito, nananawagan din ang Pangulo sa Kongreso, na maipasa ang batas na magbibigay ng bahagyang ginhawa sa binabayarang buwis.
Kabilang ang hindi na pagpapataw ng minimum corporate income tax sa mga maliliit na negosyo at ang pagbibigay ng amnestiya sa mga hindi nabayarang buwis.
“Pangatlo, para mapanatag ang loob ng taong-bayan, ang pagbigay ng amnesty para sa mga hindi nabayarang buwis tulad ng income tax, estate, at donor’s tax at value added tax, kasama na rin diyan ang mga multa na kaakibat ng mga ito.” -Pangulong Marcos Jr.