Umabot sa 1,793 establisimyento ang nasita ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa isinagawang sabayang Tax Compliance Verification Drive (TCVD) laban sa iligal na vape at sigarilyo noong Hulyo 20.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza, 3,590 establisimyento ang ininspeksyon sa lahat ng 22 revenue regions sa buong bansa bilang bahagi ng kampanya laban sa iligal na kalakalan (illicit trade) at mga paglabag sa Excise Tax Law.
Sa operasyon, nasamsam ang 8,634 vape product at 22,251 kaha ng sigarilyo na may tinatayang tax liability na ₱16.54 milyon.
Kabilang sa mga paglabag ang kawalan ng BIR registration, hindi pag-isyu ng resibo, hindi pagpapanatili ng rehistradong books of accounts, kawalan ng Certificate of Registration (COR), at pagbebenta ng mga excisable product na walang BIR tax stamps.
Sinabi pa ni Mendoza na ipagpapatuloy ng ahensya ang mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa mga nagbebenta ng iligal na produkto at sa mga umiiwas sa pagbabayad ng tamang buwis.