Naglabas ng guidelines ang Department of the Interior and Local Government para sa Bawat Barangay Makikinabang Program (BBMP) na ipatutupad sa mahigit 42,000 barangay sa bansa.
Sa ilalim ng programa, bawat barangay ay makatatanggap ng Php 200,000 mula sa Office of the President para sa mga pangangailangan ng komunidad at suporta sa mga estudyante.
Mula sa pondo, Php 100,000 ang ilalaan sa Bagong Pilipinas Barangay Scholars Program para sa limang incoming fourth-year college students na makatatanggap ng tig-Php 20,000 na finisher fund.
Ayon sa DILG, dapat residente ng barangay ang mga benepisyaryo at kabilang sa mga pamilyang nasa vulnerable sector na nanganganib huminto sa pag-aaral.
Ang natitirang Php 100,000 ay gagamitin para sa Assistance for the Barangay na sasagot sa mga prayoridad na pangangailangan tulad ng kagamitan sa serbisyo publiko, opisina, streetlights, at disaster response equipment.
Nilinaw ng DILG na hindi maaaring gamitin ang pondo sa mga imprastraktura, sahod, honoraria, at iba pang gastusing personal upang matiyak ang transparent at maayos na pagpapatupad ng programa. | ulat ni Rey Ferrer