Nakaantabay ang puwersa ng Naitonal Capital Region Police Office (NCRPO) para rumesponde sa karatig rehiyon na apektado ng mga pagbaha bunsod ng masamang panahong dala ng Habagat.
Ayon kay NCRPO Officer-in-Charge Police Brigadier General Christopher Abrahano, mahigit 1,000 pulis ang naka-standby para agad na maipadala sa mga lugar na mangangailangan ng augmentation.
Samantala, sinabi ni Abrahano na 129 pulis sa NCRPO ang naapektuhan din ng baha at patuloy silang mino-monitor gayundin ay binibigyan ng kinakailangang tulong.
Bukod dito, binibigyan din nila ng prophylactic medicines laban sa leptopirosis partikular na iyong mga lumulusong sa baha.
Kasunod nito, nanawagan naman si Abrahano sa publiko na makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan lalo na kapag may abiso nang lumikas.
Aniya, mas ligtas ang preemptive evacuation kaysa hintayin ang kasagsagan ng sakuna bago magsagawa ng rescue.