Nakikipag-ugnayan na ang Department of Energy sa Iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan para tiyakin na hindi magkakaroon ng shortage o kakulangan sa suplay ng produktong petrolyo sa mga lugar na may sirang kalsada at tulay dulot ng Habagat.
Ayon sa DOE, hindi lang sila nakikipag-usap sa mga supplier kundi maging sa Department of social Welfare and Development, Department of Public Works and Highways at Department of Interior and Local Government upang tumulong sa pagpaparating ng suplay ng langis sa mga apektadong probinsya lalo na sa Central Luzon.
Humahanap na rin ng ibang ruta lalo na sa mga nasiraan ng tulay o hindi madaanan ang kalsada dahil sa baha upang hindi magkaroon ng shortage.
Matatandaan na nitong mga nakaraang araw isa sa pinakaapektado ng masamang panahon ay ang Central Luzon kung saan may mga nasirang pangunahing tulay na pansamantalang isinara sa publiko partikular ang Aquino at Agana Bridge.
Pahirapan din ang naging byahe pa-Norte dahil naman sa matinding pagbaha na nararanasan mismo sa North Luzon Expressway. | ulat ni Louisa Erispe