Inuna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mabisita at ma-inspeksiyon ang Pampanga at Bulacan, upang maisaayos ang kalagayan ng mga residente doon na apektado ng mga pag-ulan at pag-baha.
Ito ang binigyang diin ni Communications Undersecretary Claire Castro, sa gitna ng pang-iintriga ng ilan sa selebrasyon ng kaarawan ni First Lady Liza Araneta-Marcos, noon pang nakarang linggo.
“Huwag nating kalimutan na inuna ng Pangulo na mabisita at ma-inspect ang Pampanga at Bulacan upang maisaayos ang kalagayan ng ating mga kababayan at maipaabot ang tulong sa mga apektado.” -Castro
Ayon kay Castro, ang isang gabi na kasama ng Pangulo ang kaniyang pamilya upang ipagpasalamat ang kapanganakan ng Unang Ginang ay hindi nangangahulugan na iniiwan ng Pangulo ang kaniyang obligayson sa mga Pilipino.
“Mismong ang mga taga media ay saksi rito noong nakaraang Lunes. Ang kaunting oras sa isang gabi na makasama ni Pangulo ang asawa, pamilya, at ibang malalapit para sa isang pagpapasalamat sa buhay na biyaya ng Diyos sa kanyang asawa ay hindi nangangahulugan na iniwan ng Pangulo ang kanyang obligasyon sa bayan.” -Castro
Paglilinaw pa ng opisyal, ang pagdiriwang na ito ay noong nakarang linggo pa, at hindi nitong weekend, kung kailan nakakaranas ng pag-ulan at pag-baha ang iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Hindi po yan naganap sa kasagsagan ng bagyo o noong Biyernes o Sabado.” -Castro
Sabi ni Castro, sa kasalukuyan, nakatutok ang Pangulo sa mga lugar na apektado ng mga pag-ulan at pagbaha, upang masiguro na magiging mabilis ang pagtugon ng gobyerno.
“Tutok po ang Pangulo sa sitwasyon ng paglakas ng buhos ng ulan na sanhi ng pagbaha kaya mabilis na pinapakilos ang mga ahensya ng gobyerno. Sa ganitong kondisyon ay mas pinipili ng Pangulo na manatili sa bansa para sa patuloy na pagmomonitor.” -Castro