Nanawagan si Senadora Risa Hontiveros sa Malacañang na maglatag ng mga konkretong hakbang sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at hindi lamang magbigay ng ulat tungkol sa kalagayan ng bansa.
Ayon kay Hontiveros, hinihintay ng publiko ang malinaw na plano kung paano mapapababa ang presyo ng kuryente, tubig, petrolyo at pagkain, gayundin kung paano madaragdagan ang take-home pay ng mga manggagawa at matutugunan ang kakulangan sa trabaho.
Iginiit din ng senador ang mas maigting na kampanya laban sa korapsyon, na aniya’y nakaaapekto na rin sa tiwala ng mga mamumuhunan sa bansa.
Sa sektor ng enerhiya, iminungkahi ni Hontiveros ang mas mahigpit na regulasyon sa mga power generation companies, pagpapalawak ng lifeline rates, paggamit ng VAT windfall revenues para mapagaan ang singil sa kuryente, at paglipat sa renewable energy.
Sa agrikultura naman, hinimok niya ang pamahalaan na magbigay ng target na subsidiya sa gasolina at abono para maprotektahan ang produksyon ng pagkain, lalo na sa banta ng Super El Niño.
Nanawagan din ang senadora ng mas malawak na suporta sa sektor ng pampublikong transportasyon sa pamamagitan ng pagpapalawak ng service contracting program, gayundin ng pagpapalakas ng public health services at Zero Balance Billing sa ilalim ng Universal Health Care.
Binigyang-diin ni Hontiveros na ang tunay na sukatan ng SONA ay hindi lamang mga pangako kundi mga konkretong solusyong magpapagaan sa buhay ng bawat Pilipino.
Samantala, kinumpirma ng ilang senador mula sa minorya na hindi sila personal na dadalo sa ikalimang SONA ni Pangulong Marcos Jr.
Ayon kay Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, mas pinili niyang panoorin na lang ang SONA sa telebisyon.
Kinumpirma rin ng tanggapan ni Senadora Pia Cayetano na hindi rin siya makikilahok sa taunang pagtitipon.
Samantala, sinabi ni Senadora Imee Marcos na hindi rin siya dadalo sa SONA pero pakikinggan pa rin niya ang talumpati.
Hindi rin pumunta sa Batasang Pambansa sina Senador Robin Padilla, Senadora Loren Legarda, Senador Bong Go at Senador Mark Villar habang present naman sa SONA si Senadora Camille Villar.
Sa panig naman ng majority senators, hindi nakadalo sina Senate President Pro Tempore Vicente Sotto III, Senador Ping Lacson at Senador Bam Aquino.
Sa isang mensahe sa media, sinabi ni Sotto na masama ang kanyang pakiramdam kaya hindi siya nakapunta ng Batasan para sa SONA. | ulat ni Nimfa Asuncion