Photo courtesy of Presidential Communications Office
Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) na nakatakdang buksan sa susunod na taon ang unang 12 istasyon ng MRT-7 mula Sacred Heart hanggang North EDSA sa Quezon City.
Tinatayang halos isang milyong pasahero ang makikinabang kada araw sa full operations ng MRT-7 kapag umabot na ang linya hanggang San Jose Del Monte, Bulacan.
Samantala, sinabi rin ng Pangulo na magiging mas mabilis at mas maginhawa ang biyahe ng mga commuter sa oras na maging operational ang North-South Commuter Railway (NSCR) sa bahaging Valenzuela hanggang Malolos sa susunod na taon.
Target naman ng Department of Transportation (DOTr) na matapos ang linya ng NSCR hanggang Clark, Pampanga bago matapos ang administrasyong Marcos.
Kapag nakumpleto ang NSCR, inaasahang makapagseserbisyo ito sa 800,000 pasahero kada araw at mapapaikli ang biyahe mula Clark, Pampanga hanggang Calamba, Laguna sa dalawang oras mula sa kasalukuyang apat na oras.