Umabot na sa tatlo ang napaulat na nasawi habang isa pa ang nawawala dahil sa epekto ng Bagyong Kiyapo batay sa pinakahuling datos ng Office of Civil Defense (OCD).
Ayon sa OCD, dalawa sa mga nasawi ay mula sa Sarangani habang isa naman ay mula sa Davao.
Patuloy namang inaalam ang sanhi ng pagkamatay ng dalawang biktima sa Sarangani.
Umabot naman sa 63,606 pamilya o 295,066 indibidwal ang naapektuhan ng bagyo. Sa bilang na ito, 1,760 pamilya o 7,550 indibidwal ang pansamantalang nananatili sa 31 evacuation centers.
Naitala rin ang 671 na nasirang mga bahay kung saan 425 ang bahagyang nasira habang 246 ang tuluyang napinsala.
Samantala, mahigit ₱10.09 milyon na ang halaga ng tulong na naipagkaloob ng pamahalaan sa mga apektadong residente.