Malugod na tinanggap ni Senador Kiko Pangilinan ang Progress Bill na inihayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), kasabay ng panawagang tiyakin na ang mga reporma sa buwis ay magbibigay ng konkretong ginhawa sa mga ordinaryong Pilipino.
Sa SONA, inanunsyo ni Pangulong Marcos Jr. ang panibagong tax reform package na magtataas sa taunang tax-exempt income threshold sa ₱350,000, mag-aalis ng minimum corporate income tax para sa mga MSME, at magbibigay ng tax amnesty sa ilang hindi nabayarang buwis at kaukulang multa.
Ayon kay Pangilinan, dapat maging patas at makatarungan ang tax system para mas maraming manggagawa, magsasaka, mangingisda, maliliit na negosyante, at mga pamilyang mababa ang kita ang makinabang sa paglago ng ekonomiya.
Sinabi ng senador na susuportahan niya ang anumang reporma na magpapalaki sa take home pay ng mga manggagawa para sa kanilang pamilya.
Hiniling din niya na ang anumang karagdagang kita mula sa tax reforms ay ilaan sa mga programang direktang makikinabang ang publiko, lalo na sa sektor ng agrikultura at pangingisda.
Pinahayag din ni Pangilinan ang kahandaang makipagtulungan sa mga kasamahan sa Senado para mapag aralang mabuti ang panukala at sa administrasyon para maisulong ang isang tax system na patas, may pananagutan, at nakatuon sa inclusive economic growth. | ulat ni Nimfa Asuncion