Napabilib si House Majority leader Sandro Marcos sa ipinapamalas na galing ng mga miyembro ng prosekusyon sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Kasunod ito ng kaniyang paglilinaw na wala siyang direktang partisipasyon sa pagtulong sa House prosecution panel.
Katunayan, gaya aniya ng nakararami, ang tanging ginagawa niya ay manood lamang ng mga pagdinig sa YouTube.
Nausisa kasi ang House leader tungkol sa ulat na kulang umano ang suporta ng liderato ng Kamara sa prosecution panel.
Ayon kay Marcos, ngayon lamang niya narinig ang naturang isyu kaya kakausapin muna niya ang mga miyembro ng panel upang matukoy kung ano ang kanilang pangangailangan.
Sinabi niyang kung totoo mang may kakulangan sa suporta, madali naman itong maaaksyunan.
Gayunman, iginiit niyang wala siyang personal na pakikialam sa paghahanda ng kaso dahil nagtitiwala siya sa kakayahan ng mga prosecutors.
Partikular niyang pinuri si Akbayan Party-list Representative Chel Diokno at Batangas Representative Gerville Luistro.