Muling itutulak sa Mababang Kapulungan ni Navotas City Representative Toby Tiangco ang panukalang batas na naglalayong alisin ang systems loss charges sa buwanang binabayarang kuryente ng mamamayan.
Isinagawa ang hakbang na ito matapos bigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA 2026) na kailangang itigil ang pagpapasa ng naturang bayarin sa mga mamimili para mabawasan ang mataas na halaga ng kuryente sa Pilipinas.
Inamin ni Tiangco na noong una pa man ay isinusulong na niya ang House Bill No. 942. Dagdag pa ng kinatawan, ang pahayag ng Pangulo ay isang malaking bagay upang ganap na maging batas ang repormang ito na direktang magpapagaan sa gastusin ng bawat pamilya.
Sa probisyon ng panukala, bawal nang ipasa ng mga pribadong distribution utility ang systems loss sa mga taga tangkilik, habang hanggang limang porsiyento na lamang ang papayagang mabawi para sa technical loss ng mga rural electric cooperative.
Bukod dito, tatanggalin din ang Value-Added Tax (VAT) na ipinapataw sa nasabing singilin.
Kumpiyansa si Tiangco na makakapasa na ang batas sa pagkakataong ito dahil kabilang na ito sa pangunahing legislative agenda ng Palasyo, na inaasahang maghahatid ng mabilis na ginhawa at mas mababang bayarin sa kuryente.