Hiniling ng House prosecution panel na tutukan sa susunod na linggo ang audit ng Commission on Audit o COA sa confidential funds ni Vice President Sara Duterte sa nagpapatuloy na impeachment trial.
Sa pulong balitaan, sinabi ni lead prosecutor Gerville Luistro, dalawang COA auditors ang haharap sa Senado bilang impeachment court simula Agosto 3 upang ipaliwanag ang naging pagsusuri sa paggasta ng pondo.
Partikular dito sina dating Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO) state auditor Roderick Wamil at incumbent ICFAO supervising auditor Celine May Del Campo.
Kabilang sa mga inaasahang tatalakayin ang audit process, mga natuklasang kakulangan, at ang notices of disallowance na inilabas ng COA.
Haharap din sa pag-dinig si House Legislative Information Resources Management Department Director Marivic Pareja.
Sinabi ni Luistro na natapos na ng prosekusyon ang presentasyon ng mga testigo tungkol sa paglalabas at pag-encash ng kabuuang ₱612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education.
Kaya naman sunod na hakbang ng prosekusyon ay ipakita kung paano sinuri ng COA ang paggamit ng naturang pondo at ang naging batayan ng mga naging disallowance. | ulat ni Kathleen Forbes