Naghain si Senate President Sherwin Gatchalian ng panukalang batas na mag-aalis sa system loss charges na ipinapasa sa mga consumer ng kuryente.
Sa ilalim ng Senate Bill 2350 o ang panukalang System Loss Charge Abolition Act, layon na ihinto ang paniningil ng system loss charges sa mga konsumer para mabawasan ang kanilang buwanang bayarin sa kuryente.
Ayon kay Gatchalian, hindi dapat pinagbabayad ang mga Pilipino para sa kuryenteng hindi naman nila nagamit.
Aniya, ang panukala ay tugon din sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act o EPIRA para alisin ang system loss charges, kabilang ang value-added tax o VAT na ipinapataw dito.
Sinabi ni Gatchalian na mahalaga ang agarang pagpasa ng panukala lalo na’t nananatiling pinakamataas sa Southeast Asia ang karaniwang presyo ng kuryente sa Pilipinas base sa datos nitong June 2026.
Aniya, ang pagtanggal sa system loss charges ay isang konkretong hakbang para mapagaan ang gastusin ng mga pamilyang Pilipino.
Ipinaliwanag din ng Senate President na sa Meralco, ang system loss charge ay karaniwang bumubuo ng 5 to 6 percent ng kabuuang electric bill ng isang consumer.
Batay sa datos na binanggit ni Gatchalian, mula August 2025 hanggang July 2026, umaabot sa average na P148.95 kada buwan ang system loss charge para sa isang sambahayang kumokonsumo ng 200 kilowatt-hours (kWh).
Katumbas ito ng humigit-kumulang P1,787.38 na nabayaran ng bawat consumer sa loob ng isang taon para lang sa system loss charges, bukod pa sa VAT na ipinapataw dito. | ulat ni Nimfa Asuncion