Inatasan na ng House Committee on Energy ang pagsasagawa ng isang pormal na pagdinig sa darating na Agosto 6, 2026 upang imbestigahan ang biglaang pagtaas ng singil sa kuryente sa Visayas na dulot ng line rental charges sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).
Ang naturang hakbang ay kasunod ng opisyal na kahilingan ni Minority Leader at 4Ps Party-list Representative Marcelino C. Libanan noong July 28, 2025 kay Committee Chairperson at Palawan 1st District Representative Jose C. Alvarez.
Sa kaniyang liham, hinimok ni Libanan ang komite na agad talakayin ang House Resolution No. 689 na inihain nina Representatives Sergio Dagooc at Presley De Jesus noong January 28, 2026. Layunin ng resolusyon na magsagawa ng pagsisiyasat, in aid of legislation, sa pagpapataw ng line rental charges sa ilalim ng WESM Rules na nagpapabigat sa pasanin ng mga consumer sa rehiyon.
Binigyang-diin ni Libanan na naging lalong kritikal ang usapin kasunod ng pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa kaniyang kamakailang State of the Nation Address (SONA), kung saan tahasan nitong tinutulan ang patuloy na pagpapataw ng mga hindi makatarungang singil tulad ng system loss charge na ipinapasa sa mga consumer.
“Ang pahayag ng Pangulo ay nagpapatibay sa pangangailangan na siyasatin ng Kongreso ang iba pang mga singil sa kuryente na nagpapataas sa buwanang bill ng ating mga kababayan,” pahayag ni Libanan.
Ayon sa ulat, inaprubahan na ng pamunuan ng House Committee on Energy ang nasabing petisyon at opisyal nang itinakda ang pagdinig sa Agosto 6 upang matukoy ang mga hakbang na magpoprotekta sa interes ng mga mamamayan laban sa mataas na presyo ng enerhiya. | ulat ni Ma. Daisy Amor Belizar | RP Borongan