Positibo ang naging reaksiyon ng isang financial at market analyst sa ika-5 SONA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. lalo na sa mga tinutukan nitong isyu na kung maisasakatuparan at tuloy-tuloy na maisusulong ay tiyak na magpapataas ng kumpiyansa ng mga mamumuhunan sa bansa.
Sa panayam ng programang BOSES kay Financial at Market Analyst Prof. Astro Del Castillo, sinabi nitong malakas ang naging “impact” ng mga pahayag ni Pangulong Marcos sa paglaban sa kurapsiyon dahil isa rin itong garantiya sa mga investor na seryoso ang pamahalaan na ma-protektahan ang interes ng publiko na konektado rin naman sa interes ng mga negosyante.
Binigyang-diin din ni Castillo, na mas makatutulong sa bansa kung magiging mas malinaw din ang mga pamantayan at mas maisaayos ang proseso ng pamahalaan pagdating sa bidding na isa rin sa mga dahilan upang mas maakit ang mga mamumuhunan.
Itinuturing din na isang positibong galaw ng administrasyon ang pagtutulak ng tax relief measures sa mga middle class worker na itinaas ang tax exemption sa ₱350,000 at tax relief sa mga MSME sa pamamagitan naman ng minimum corporate income tax.
Kung maisasakatuparan kasi ito ay mas mapapataas pa ang economic activity ng bansa, dahil sa pagtaas ng purchasing power ng middle-class worker gayundin ay mas mabibigyan ng mas malaking business opportunities ang mga maliliit na negosyo na kabilang sa MSME.
Umaasa naman ang eksperto na ang mga hakbang na ito ay mabibigyan ng prayoridad sa Kongreso upang agad na maipasa, maisabatas, at tunay na mapakinabangan ng sambayanan.