Welcome development para sa isang tax and corporate lawyer ang naging hakbang ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagsusulong ng tax relief sa mga manggagawa sa middle class at gayundin ang corporate income tax ng mga maliliit na negosyo.
Sa panayam ng Bangon, Bayang Mahal, kay Atty. Jesus Clint Aranas, isang tax and corporate lawyer, sinabi nitong malaki ang maitutulong ng nasabing tax relief measures upang mapagaan ang pasanin hindi lang ng mga manggagawa kundi ng mga negosyo.
Sa katunayan, posibleng maging positibo pa ang epekto nito sa business climate ng bansa dahil mas mailalaan na ng mga negosyo sa iba pang mahahalagang aspekto ng negosyo ang matitipid sa tax relief measures ng pamahalaan.
Pagdating naman sa usapin ng pagkakaroon ng tapyas sa kita ng pamahalaan dahil sa tax relief measures na ito, sagot ni Aranas na hindi rin naman dapat itong problemahin dahil may offsetting measures naman dito ang pamahalaan sa pamamagitan ng Value-Added Tax (VAT).
Kung mapapataas kasi ang kakayahang gumastos ng mga mamamayan, manggagawa man o negosyante, ay tiyak na kaya naman itong bawiin sa pamamagitan ng VAT, kaya maituturing pa rin itong win-win solution.
