Nakahanda na ang mga response team ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa posibleng epekto ng mga pag-ulan na dulot ng low-pressure area (LPA) at easterlies.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, inatasan ni Secretary Rex Gatchalian ang mga regional office na maghanda sa maaaring epekto ng sama ng panahon.
Kasama sa mga inihandang suporta ang mobile command centers, mobile kitchens, at mga tauhan ng DSWD na tutugon sa pangangailangan ng mga maaapektuhang pamilya.
Sa ulat ng PAGASA, ang LPA na namataan sa karagatan ng Rapu-Rapu, Albay ay maaaring magdulot ng kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Metro Manila, Central Luzon, Bicol, CALABARZON, at ilang bahagi ng MIMAROPA.
Pinayuhan na ng DSWD ang publiko na mag-ingat dahil maaaring magdulot ang malalakas na pag-ulan ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Tiniyak ng ahensya na nakahanda na ang mahigit 4.8 milyong kahon ng family food packs at iba pang relief items na nakalaan para sa mga lokal na pamahalaang maaaring maapektuhan ng sama ng panahon.
Kasama rito ang mga suplay mula sa Luzon Disaster Resource Center sa Pasay City, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, at Bicol Region.