Handa na ang House Prosecution Panel na ilatag ang mga ebidensya kaugnay ng umano’y hindi wastong paggamit ni Vice President Sara Duterte sa ₱612.5 milyong Confidential Funds sa muling pagpapatuloy ng impeachment trial sa Senado ngayong araw.
Ito ay bagaman may nakabinbing manifestation ang Prosecution sa Senate Impeachment court kaugnay sa “alternate” o “article-by-article” na presentasyon ng ebidensya at testimonya ng magkabilang panig.
Ayon kay Manila Representative Joel Chua, ang lead prosecutor para sa Article I ng impeachment case, ang yugtong ito ng paglilitis ang magbibigay ng pagkakataon sa publiko upang makita ang mga tunay na ebidensya sa likod ng mga akusasyon laban sa Bise Presidente.
Sa ilalim ng Article I, inaakusahan si Duterte ng maling paggasta sa milyon-milyong Confidential Funds ng Office of the Vice President (OVP) noong siya ay kalihim ng Department of Education (DepEd).
Nakatakda ring iharap ngayon ang mga unang testigo mula sa LandBank na sina
Violeta Constantino (dating manager ng LandBank Shaw Boulevard Branch) at Nenita Camposano (dating manager ng LandBank DepEd Branch).
Naglabas din ng subpoena ang Impeachment Court kay Marivic Pareja, pinuno ng House Legislative Archives, Museum and Management Service, upang ipresenta ang mga opisyal na rekord ng Kamara.