Lubos na ikinalugod ng National Council on Disability Affairs (NCDA) ang inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na palalawakin ang healthcare at financial support para sa mga batang may developmental disabilities.
Ayon sa Pangulo, dodoblehin ang PhilHealth benefit package para sa konsultasyon, assessment, at evaluation ng mga batang may developmental disabilities. Itataas din mula 90 hanggang 150 ang bilang ng therapy sessions na sasagutin ng PhilHealth bawat taon.
Sa isang pahayag, sinabi ng NCDA na malaking ginhawa ang mga hakbang na ito para sa mga batang may kapansanan at kanilang mga pamilya, at mahalagang hakbang tungo sa mas inklusibong sistemang pangkalusugan.
Kasabay nito, patuloy rin umanong isusulong ng NCDA ang Developmental Assessment, Rehabilitation and Empowerment for Children with Disabilities (CAREvan) Program, na nagbibigay ng libreng developmental assessment at rehabilitation services sa mga batang may kapansanan.
Nanawagan din ang konseho sa agarang pagpapatupad ng mas pinalakas na healthcare system na magbibigay-prayoridad sa pangangailangan ng lahat ng mga Pilipinong may kapansanan.