Hindi pinagbigyan ng Sandiganbayan Fifth Division ang mosyon ni Senador Jinggoy Estrada na agad makapag-bail sa kinahaharap nitong ₱573-milyong kasong plunder kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control projects.
Sa resolusyon ng korte, sinabi ng Sandiganbayan na premature o wala pa sa tamang yugto ang mosyon ni Estrada.
Ipinaliwanag ng korte na sa kasong plunder, hindi awtomatikong karapatan ang makapag-piyansa at nakasalalay ito sa pagpapasya ng hukuman matapos ang isang bail hearing.
Binigyang-diin din ng Sandiganbayan na magkaiba ang Motion to Fix Bail at Application for Bail. Anila, hindi maaaring magtakda ng halaga ng piyansa ang korte hangga’t hindi naghahain ng pormal na aplikasyon para sa piyansa ang akusado at hindi pa natatapos ang pagdinig para matukoy kung malakas o hindi ang ebidensya ng pagkakasala.
Bukod sa kasong plunder, nahaharap din si Estrada sa dalawang bilang ng graft na may kaugnayan din sa umano’y anomalya sa mga flood control projects.