Ikinalugod ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na nananatiling sentro ng agenda ng administrasyon ang agrikultura para palakasin ang seguridad sa pagkain at mapataas ang kita ng milyun-milyong magsasaka at mangingisda.
Ayon sa kalihim, mahalagang nabigyang-diin ng Pangulo ang mga pangunahing programa ng Department of Agriculture (DA), kabilang ang mga hakbang para mapalawak ang agricultural exports.
Kabilang sa mga programang itinampok sa SONA ang Benteng Bigas, Meron Na! program na napakinabangan na ng mahigit 12 milyong Pilipino, pagpapalawak ng mahigit 800 KADIWA ng Pangulo outlets, at pinalawak na tulong sa ilalim ng Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk, and Families (PAFFF).
Ayon pa kay Tiu Laurel, patuloy ring pinalalakas ang sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng mas malaking pondo para sa DA.
Aniya, nakatakda nang simulan ang konstruksyon ng mga pangunahing proyektong pang-agrikultura ng administrasyon, kabilang ang mega cold storage facilities, food hubs, hatcheries, food terminals, rice processing systems, dryers, irrigation systems, at farm-to-market roads, na inaasahang magiging “game changers” sa oras na makumpleto.
Idinagdag ng kalihim na ang mga bagong batas ang magpapalakas sa industriya ng bigas at livestock.
