Umaasa si financial analyst at economist Professor Astro del Castillo na agad na kikilos ang Kongreso sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na alisin ang system loss charges sa mga bill ng kuryente.
Ito ay matapos i-demand ng Pangulo sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ang Kongreso na amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) para hindi na maipasa sa mga konsyumer ang system loss charges.
Sa panayam sa QC Journalist Forum, sinabi ni Del Castillo na matagal nang isyu ang EPIRA at napapanahon ang muling pagbibigay-diin ng Pangulo sa usapin.
Aniya, dapat magkaroon ng ‘sense of urgency’ ngayon ang Kongreso para mabilis na masakatuparan ang naturang amyenda.
Ayon pa sa ekonomista, malaki ang magiging pakinabang ng bansa kung mapabababa ang halaga ng kuryente.
Hindi lang kasi umano household consumers ang makikinabang sa mas mababang singil sa kuryente, kundi maging ang ekonomiya dahil mas makahihikayat ito ng mga lokal at dayuhang mamumuhunan.