Magsisimula ngayong Agosto 2026 ang rehabilitasyon ng water distribution system ng PrimeWater sa bayan ng Daraga, Albay, ayon kay Daraga Mayor Victor Perete kasunod ng kaniyang pagpupulong sa bagong may-ari ng PrimeWater na si Lucio Co.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas Albay kay Perete, unang isasagawa ang total pipe replacement sa ilang bahagi ng Barangay Busay at Barangay Bañag. Susundan ito ng ikalawang yugto ng rehabilitasyon sa Barangay Tagas, partikular sa Doña Maria, kung saan papalitan din ang mga lumang linya ng tubig.
Sinabi rin ng alkalde na, batay sa kaniyang pagtataya, humigit-kumulang ₱30 milyon ang pondong ilalaan ng PrimeWater para sa proyekto. Umaasa rin siyang madaragdagan pa ito upang mapalawak ang saklaw ng rehabilitasyon.
Inihayag din ni Perete na Hiraya Water Corporation na ang bagong pangalan ng PrimeWater. Ayon sa kaniya, sinabi ni Lucio Co sa kanilang naging pagpupulong na magkakaroon ng mga pagbabago sa organisasyon, kabilang ang pagpapalit ng ilang empleyado, bilang bahagi ng layuning mapabuti ang serbisyo.
Umaasa si Perete na magiging mas maayos ang serbisyo ng tubig sa Daraga at mararamdaman ng mga residente ang mga positibong pagbabago bago matapos ang taon.
