Suportado ng Philippine National Police (PNP) ang panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kaniyang ika-5 State of the Nation Address (SONA) na paigtingin ang ugnayan upang palakasin ang kaligtasan ng mga paaralan sa buong bansa.
Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., pananagutan ng komunidad na protektahan ang mga mag-aaral, kaya’t patuloy aniya ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng LGU at barangay, gayundin sa mga paaralan at mga magulang.
Una rito, sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na mahigpit ang ugnayan ng pulisya at mga tagapamahala ng paaralan upang tiyakin ang kaligtasan ng mga estudyante.
Samantala, ikinalugod din ng PNP ang inanunsyo ng Pangulo na pagtaas ng pension at subsistence allowance ng mga retiradong uniformed personnel.
Ayon kay Nartatez, mahalagang pagkilala ito sa mahabang panahon ng paglilingkod at sakripisyo ng mga retiradong kawani sa pagsusulong ng kapayapaan at seguridad sa bansa.