Mahigpit nang binabantayan ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice) ang posibleng malaking epekto ng inaasahang pagtama ng “super strong” El Niño o kilala rin sa tawag na Super El Niño sa mga magsasaka partikular na sa mga nagsasaka ng palay.
Sa panayam ng Usapang Agrikultura kay Dr. Leylani Juliano, Chief Science Research Specialist at Lead ng Climate Smart Map Project ng PhilRice, pinaka-unang dapat bantayan ay ang mabilisang pagkatuyo ng lupa at mga irigasyon na isa sa mga pangunahing signos ng Super El Niño, na ngayon ay naumpisahan nang maramdaman sa ilang mga dam at water reservoirs dahil sa pagbaba ng lebel ng tubig.
Sa katunayan hindi lang naman agricultural drought ang dala ng El Niño dahil may ilang mga peste rin ang lalong namamayagpag tuwing sumasapit ang El Niño, na mas nagpapahirap sa sitwasyon ng mga magsasaka.
Pagdating naman sa direktang epekto sa mga pananim isa sa mga senyales na dapat tingnan ay ang nakikitang pagka-bansot ng mga pananim na nagiging isyu para bumaba ang production yield ng mga magsasaka.
Bilang tugon naman ng PhilRice sa epekto ng Super El Niño sinabi ni Dr. Juliano, na naghahanda na ang Rice Competitiveness Enhancement Program o RCEP ng mga drought tolerant at early maturing variety ng binhi ng palay na ipamamahagi sa mga benepisyaryong magsasaka.
Ayon sa PhilRice, mahalaga na ang isang magsasaka ay rehistrado sa ilalim ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) upang makatanggap ng mga binhi na angkop itanim sa panahon ng tag-tuyot.
Kakayanin kasi ng mga drought tolerant na mga binhi ang mga kondisyon kung saan mas kakaunti sa normal ang lebel ng tubig habang ang mga paagang binhi naman o early maturing variety na mas maagang puwedeng anihin upang makaiwas sa malalang epekto ng El Niño.