Ilang alternatibong pamamaraan ang ibinahagi ng Philippine Rice (PhilRice) Research Institute upang kahit papano ay masalag ang epekto ng El Niño sa mga pananim partikular na sa palay.
Sa panayam ng Usapang Agrikultura kay PhilRice Chief Science Research Specialist at Lead ng Climate Smart Map Project, Dr. Leylani Juliano kabilang sa mga alternatibong isinusulong nila ay ang Alternative Wetting and Drying method o AWD kung saan mas nakikita ng magsasaka kung may naimbak pang tubig sa root level ng mga pananim.
Sa tulong nito ay naiiwasan ang pag-aaksaya ng suplay ng tubig at mas natitiyak na mas mataas ng produksiyon ng mga pananim habang hindi masyadong naaapektuhan ng El Niño.
Dagdag pa ni Juliano na malaking tulong din na magamit bilang compost o pataba sa mga lupang sakahan ang mga naimbak na dayami sa mga palayan.
Kung magagamit kasi ang organic property ng dayami sa mga taniman ng palay ay mas mapapataba at mas mapagaganda ang kalidad ng lupa upang mas mapataas din ang water retention capacity nito at makaimbak ng mas maraming tubig bago pa man ang full-blown effect ng El Niño.