Sinagot ni Deputy Speaker Janette Garin ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na aksaya lamang sa oras ang pakikinig sa State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo.
Ayon kay Garin, iginagalang niya ang karapatan ng Bise Presidente na huwag manood ng talumpati.
Gayunman, sinabi niyang mahalagang pakinggan ang SONA, sang-ayon man o hindi sa mga inilalatag na plano at polisiya ng Pangulo.
Aniya, bilang mga Pilipino, nararapat lamang na maging mulat at makilahok sa mga usaping may kinalaman sa pamahalaan.
Binigyang-diin ni Garin na ang SONA ay pagkakataon upang malaman kung saan maaaring makatulong ang bawat isa, maging opisyal man ng gobyerno o kabilang sa pribadong sektor.
Diin niya, hindi aksaya ng oras ang pakikinig dito dahil ang layunin ay ang kapakanan ng bansa.