Pinipiga pa ng pamahalaan ang lahat ng maaaring gawin upang maibsan ang epekto sa bansa ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo, bunsod ng Middle East crisis.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, umaasa ang gobyerno na maging last resort na lamang ang pagtaas ng pasahe.
Batid kasi aniya ng pamahalaan na magiging mabigat para sa mga Pilipino kung magsabay-sabay ang pagtaas ng mga bayarin, krudo, presyo ng pagkain, at pasahe.
Sabi ni Castro, napag-usapan na sa UPLIFT meeting ang targeted subsidy para sa transport groups, sa pamamagitan ng AICS.
Sa kasalukuyan, umiiral pa aniya ang iba pang tulong sa mga tsuper at operator, tulad ng toll exemption sa provincial buses, extended PITX terminal fee para sa PUVs, pati ang 50% discount sa MRT-3 at LRT-2, piso Roro terminal fee, Libreng Sakay Program, at iba pa.
Sabi ni Castro, ilan lamang ang mga ito sa ginagawa ng gobyerno upang matulungan ang mga tsuper at operator sa gitna ng mataas na presyo ng krudo, at upang hindi maipasa sa mga commuter ang bigat ng presyo nito.
Pagtitiyak ng opisyal, hindi pa dito natatapos ang pamahalaan, lalo’t marami pang pinag-aaralang programa o proyekto ang administrasyon sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis. Samantala, inaasahan ng Palasyo na maibibigay na sa Office of the President ngayong linggo ang rekomendasyon kaugnay ng excise tax sa petrolyo.