Nagpaabot ng pakikiramay ang Philippine National Police (PNP) sa pamilya ng pulis na nasawi sa aksidente sa Caloocan City ilang oras matapos makumpleto ang duty para sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., hindi pababayaan ng organisasyon ang pamilya ng nasawing pulis na si Patrolman Allan Chris Heredero at agad na padadalhan ng kaukulang tulong.
Tiniyak din niya na patuloy na inaalagaan ng PNP ang morale at kapakanan ng bawat tauhan nito.
Samantala, nilinaw ni Nartatez na hindi 24 oras na nakapuwesto sa kalsada ang pulis.
Matatandaang nasawi ang pulis matapos masagasaan ng 10-wheeler truck sa C3 Road, Barangay 22, Caloocan City, bandang alas-2 ng madaling araw noong Martes, July 28 matapos ang kanyang duty para sa SONA.
Si Heredero ay sakay ng kanyang motorsiklo pauwi nang mangyari ang aksidente. Idineklara siyang dead on arrival sa ospital.
Iniutos naman ng PNP ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari sa insidente.