Idinaraos ang State of the Nation Address (SONA) kada taon, upang maipabatid sa mga Pilipino ang pinakahuling estado ng bansa, at upang maiulat ng Pangulo ang mga ginagawa at gagawin pa ng administrasyon para sa Pilipinas.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, minamandato ito ng Konstitusyon. Ibig sabihin, ang hindi aniya paggalang sa SONA ay maituturing na hindi rin paggalang sa Konstitusyon.
“Ang SONA ito po ay paraan, ito ay ang pag-uulat ng Pangulo ng kaniyang naging accomplishments, kung ano pa ang gagawin ng gobyerno para sa taumbayan. Ito po ay base sa Konstitusyon. Ang hindi pagbibigay respeto sa SONA ay hindi pagrespeto sa Konstitusyon, hindi pagrespeto sa institusyon.” — Castro.
Pahayag ito ng opisyal, makaraang sabihin ni Vice President Sara Duterte na waste of time lamang ang panonood ng SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kaugnay nito, nananawagan si Castro sa mga Pilipino na manatiling maalam sa pinakahuling pangyayari sa bansa, obligasyon aniya ng lahat na makialam, lalo’t ang mga indibidwal na hindi aware sa kung ano na ang nangyayari sa Pilipinas ay madaling mamanipula.
“May mga tao na ang nais ay manatiling walang alam, mangmang. Mas madaling manipulahin ang mga taong walang alam. So, sa mga kababayan natin lagi tayong maging mapanuri, obligasyon po nating alamin ang katotohanan at huwag tayong sumunod sinuman na nag-uudyok na manatili tayong mangmang sa katotohanan – mabubulag po tayo diyan. Obligasyon po nating alamin para hindi tayo manatiling mangmang sa katotohanan.” —Castro.