Naka-heightened alert na ang Caloocan City Government kaugnay ng posibleng epekto ng umiiral na Low Pressure Area (LPA).
Inatasan ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo Malapitan ang City Disaster Risk Reduction and Management Department na paigtingin ang kahandaan at tiyaking nakaantabay ang lahat ng emergency response teams.
Nakapuwesto na rin ang mga rescue equipment sa mga estratehikong lugar upang agad na maipadala sa mga residenteng maaaring maapektuhan, partikular sa mga mabababang lugar na madaling bahain.
Hinimok ng lokal na pamahalaan ang publiko na agad makipag-ugnayan sa 24/7 emergency hotlines ng lungsod para sa agarang pagresponde sa anumang insidente.