Photo courtesy of DOE
Muling pinagtibay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pangako ng administrasyon na pababain ang presyo ng kuryente, sa pamamagitan ng pagsusulong ng mga reporma na mag-aalis ng obligasyon ng mga konsyumer na magbayad para sa system losses ng power system.
Kaugnay nito, pinapurihan ng Pangulo ang pagpapasinaya sa Energy Museum ng Department of Energy (DOE), na gaganap aniya ng malaking papel sa layunin ng pamahalaan na turuan ang mga Pilipino kung paano nalilikha, naipapadala, at nagagamit ang kuryente, habang pinatitibay ang pakikilahok ng publiko sa pagtitipid ng enerhiya.
“At the inauguration of the Philippines’ first interactive Energy Museum, we are opening a place dedicated to helping every Filipino understand better the vital role that energy plays in our daily lives,” — Pangulong Marcos.
Ayon kay Pangulong Marcos, sinusuportahan ng museo ang direktiba ng administrasyon sa DOE na palakasin ang kamalayan ng publiko sa mga usaping pang-enerhiya sa pamamagitan ng mga interactive exhibit na nagpapakita ng iba’t ibang pinagkukunan ng enerhiya at teknolohiya ng bansa.
Kabilang na dito ang solar, geothermal, hangin, hydropower, natural gas, energy storage systems, at nuclear energy.
Ayon kay Pangulong Marcos, nagsisilbi rin ang museo bilang pamumuhunan para sa hinaharap na lakas-paggawa ng bansa sa pamamagitan ng pagbibigay-inspirasyon sa mga mag-aaral na tahakin ang karera sa sektor ng enerhiya.
“This could be you. The future of Philippine energy will be built by the students who will visit or stand in this museum,” — Pangulong Marcos.