All set at nakatakda pa ring simulan ng Department of Transportation (DOTr) ang partial operations ng Metro Rail Transit Line 7 (MRT-7) sa 2nd quarter ng 2027.
Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, nasa tamang schedule ang proyekto at target pa rin ng ahensya na mabuksan ang 12 istasyon ng MRT-7, sa susunod na taon.
Bukod sa MRT-7, nagbigay rin ang DOTr ng update sa iba pang malalaking infrastructure projects.
Inaasahang magsisimula na ang operasyon ng Port of Lucena sa Agosto, habang target namang mabuksan bago matapos ang taon ang tatlong bagong EDSA Busway stations sa Bagong Barrio, Balintawak, at Guadalupe.
Sinabi rin ng DOTr chief, na inaasahang matatapos sa Disyembre ang Bukidnon Airport terminal habang target namang makumpleto sa Oktubre ang bagong passenger terminal ng Siargao Airport.
Samantala, inaasahan ding matatapos bago matapos ang taon ang Phase 1 ng Sto. Tomas–Tiaong segment ng South Long Haul Project.
Tungkol naman sa Metro Manila Subway Project, sinabi ni Lopez na maayos naman ang takbo ng konstruksiyon.
Ayon sa kanya, 90% na ng kinakailangang right-of-way acquisition ang natapos na noong Hunyo.