Nagtungo ngayong umaga sa Quezon City Prosecutor’s Office sina Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, Manila 3rd District Rep. Joel Chua, Kabataan Party-list Rep. Renee Co, at ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio para magsumite ng kanilang counter-affidavit kaugnay ng reklamong isinampa laban sa kanila ni Atty. Mans Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte.
Ang tatlo ay pawang miyembro ng House Justice Committee na unang duminig sa impeachment complaints laban sa Bise Presidente.
Nadagdag ang kanilang mga pangalan sa addendum ng reklamo, kung saan inakusahan sila ni Carpio ng umano’y pakikipagsabwatan sa iba pang respondents.
Sa panayam sa media, sinabi ni Rep. Ridon na kumpiyansa siyang ibabasura rin ang reklamong inihain laban sa kanila.
Aniya, isa lamang itong “tirang pikon” ni Atty. Carpio.
Samantala, inilarawan naman ni Rep. Chua bilang “unusual” ang kasong isinampa laban sa kanila at iginiit na hindi sila magpapatinag sa aniya’y ganitong uri ng harassment.