📷 Landbank
Isang malaking hakbang tungo sa mas abot-kayang serbisyong pampinansyal para sa bawat Pilipino ang inilunsad ng Land Bank of the Philippines (LANDBANK) sa pamamagitan ng kanilang bagong feature na nagpapahintulot ng pagbubukas ng bank account gamit lamang ang facial scan.
Sa tulong ng National ID Authentication Services (NIDAS) ng Philippine Statistics Authority (PSA), maaari nang magbukas ng account ang milyun-milyong Pilipino nang hindi na kailangang magprisinta ng anumang physical ID. Gagamitin sa beripikasyon ang biometric authentication o facial recognition na nakakonekta sa rekord ng National ID ng isang indibidwal sa PSA.
Ayon kay LANDBANK President at CEO Lynette V. Ortiz, layunin ng inisyatibong ito na alisin ang mga balakid sa pagpaparehistro at ilapit ang banking services sa mas nakararami.
“Sa LANDBANK, nakatuon kami sa pagpapadali at pagpapalawak ng access sa serbisyong pambangko para sa bawat Pilipino. Sa pamamagitan ng National ID system, inaalis natin ang mga balakid sa pagkakaroon ng sariling account at inilalapit ang formal financial system sa ating mga kababayan, lalo na sa mga malalayong komunidad,” pahayag ni Ortiz.
Paano Mag-apply?
Maaaring samantalahin ang bagong serbisyong ito sa dalawang paraan:
- LBP Mobile Banking App (MBA): I-download ang app at kumpletuhin ang registration at facial scan diretso sa mobile phone.
- Physical Branches: Bisitahin ang alinman sa 616 na sangay ng LANDBANK sa buong bansa kung saan nakahandang tumulong ang kanilang mga tauhan para sa facial biometric verification.
Ang hakbang na ito ay inaasahang magpapabilis sa proseso ng pagbubukas ng account habang pinapanatili ang mataas na antas ng seguridad sa digital economy ng bansa.