Mula sa pagiging factory worker sa Taiwan sa loob ng halos siyam na taon, isa nang guro sa Pilipinas si Neden Borja Orada ng Iriga City, Camarines Sur, sa tulong ng programang Sa ‘Pinas, Ikaw ang Ma’am at Sir (SPIMS) ng Department of Migrant Workers (DMW).
Bilang benepisyaryo ng SPIMS Batch 49, nairekomenda si Orada sa Department of Education, kung saan nagsimula siya ng panibagong karera bilang guro matapos ang kanyang pagbabalik sa bansa.
Ayon sa kanya, naging maayos ang kanyang aplikasyon dahil sa patuloy na paggabay ng mga kawani ng DMW.
Ibinahagi ni Orada na ang SPIMS ang nagbigay sa kanya ng panibagong pag-asa at direksyon matapos ang kanyang pananatili sa ibang bansa. Aniya, sa pamamagitan ng programa, nabigyan siya ng pagkakataong makamit ang kanyang pangarap habang natutustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya sa pamamagitan ng isang matatag na hanapbuhay.
Hinikayat din niya ang kapwa overseas Filipino workers na samantalahin ang mga programang iniaalok ng DMW para sa kanilang reintegrasyon at pagbabalik sa Pilipinas.
Ang SPIMS ay isang programa ng DMW na naglalayong mabigyan ng oportunidad ang mga kwalipikadong nagbabalik na OFW na makapasok bilang mga guro sa ilalim ng Department of Education at makapagsimula ng disente at permanenteng hanapbuhay sa sariling bayan.