Sinuspinde ng Philippine Coast Guard ang lahat ng paglalayag na manggagaling, dadaan o patungo sa Catanduanes dahil sa Tropical Depression “Luis.”
Batay sa Sea Travel Advisory No. 0826-002 ng Coast Guard Station Catanduanes, ipinatupad ang suspensyon matapos itaas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa buong lalawigan.
Sakop nito ang lahat ng uri at laki ng sasakyang pandagat, maliban sa mga kinakailangang magtungo sa ligtas na lugar o shelter upang makaiwas sa panganib.
Pinag-iingat ng Coast Guard ang mga ship master, may-ari, operator at shipping agent at pinatitiyak ang mahigpit na pagsunod sa kanilang safety protocols at umiiral na maritime safety regulations.
Hinimok din ang publiko at mga operator ng sasakyang pandagat na patuloy na subaybayan ang mga weather advisory ng PAGASA at unahin ang kaligtasan habang umiiral ang masamang panahon.