Ipinaalala ng Department of Labor and Employment (DOLE), na kinakailangang kumuha muna ng working child permit ang mga batang wala pang 15 taong gulang bago sila makalahok sa mga palabas, patalastas, social media content, vlogs, at iba pang online platforms.
Batay sa Labor Advisory No. 12, Series of 2026, saklaw ng Republic Act No. 9231 o ang batas na nagpoprotekta sa mga working child hindi lamang ang tradisyonal na media kundi maging ang digital platforms.
Sa ilalim ng batas, ipinagbabawal ang pagtatrabaho ng mga batang wala pang 15 taong gulang, maliban sa ilang pinahihintulutang sitwasyon tulad ng pagtatrabaho sa ilalim ng responsibilidad ng magulang o legal guardian, o kung mahalaga ang kanilang partisipasyon sa isang produksyon.
Sa alinmang kaso, kailangan munang kumuha ng permit mula sa DOLE.
Pinaalalahanan din ng DOLE ang mga magulang, content creators, advertisers, at employers na tiyaking nasusunod ang mga itinakdang proteksyon para sa mga bata, kabilang ang limitasyon sa oras ng trabaho at karapatan sa edukasyon.
Hinikayat din ng ahensya ang publiko na iulat ang anumang paglabag sa batas upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga batang kalahok sa media at online content.