Photo courtesy of Coast Guard District North Eastern Luzon
Naglabas ng abiso ang Philippine Coast Guard (PCG), sa mga mangingisda, marino, at publiko kaugnay ng posibleng pagbagsak ng bahagi ng Jielong-3 rocket ng China sa loob ng Philippine Exclusive Economic Zone (EEZ) sa nakatakdang launch nito sa Agosto 5.
Ayon sa Coast Guard District North Eastern Luzon, ilulunsad ang Jielong-3 rocket mula sa Yellow Sea Launch Area sa Shandong Province, China, sa pagitan ng 10:29 hanggang 11:04 ng umaga.
Batay sa impormasyon ng Philippine Space Agency o PhilSA, inaasahang may bahagi ng rocket na babagsak sa itinakdang drop zone na nasa humigit-kumulang 94 nautical miles mula sa Babuyan Island at 143 nautical miles mula sa Sta. Ana, Cagayan.
Bagama’t nasa loob ito ng EEZ ng bansa, mababa naman ang panganib sa mismong kalupaan ng Pilipinas.
Pinapayuhan ng PCG ang lahat ng sasakyang pandagat na iwasan ang naturang lugar sa oras ng launch at agad iulat sa pinakamalapit na Coast Guard unit kung may makikitang pinaghihinalaang rocket debris.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang PCG sa mga kaukulang ahensya upang matiyak ang kaligtasan ng publiko sa karagatan.