Sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address, ipinangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tatanggalin ang systems loss charge at ang kaakibat nitong value-added tax (VAT) sa singil ng kuryente.
Ngunit ayon sa financial analyst na si Jonathan Ravelas, hindi ganoon kasimple ang usapin. Aniya, “Magandang ideya, pero ang realidad, may kailangang magbayad. Ang mga linya ng kuryente, tulad ng sa Meralco, ay may maintenance at transmission na hindi puwedeng pabayaan.”
Ipinaliwanag ni Ravelas na bilang utility, may limitasyon ang kita ng mga kumpanya ng kuryente—hindi dapat lalampas sa 10% ang return on rate base. Kung lumampas, hindi na dapat magtaas ng singil. Layunin nito na matiyak ang expansion at maintenance ng serbisyo.
Gayunman, aminado siyang malaki ang epekto ng systems loss sa operasyon. Kaya’t iminungkahi niya ang kompromiso: suspendihin muna ang systems loss charge sa loob ng anim na buwan, lalo na ngayong mabigat ang pasanin ng mga mamamayan. “Pag-aralan mabuti bago tuluyang alisin, kasi kung biglaan, baka mabigla ang ekonomiya,” dagdag niya.
Sa huli, binigyang-diin ni Ravelas na nakatutuwa ang hakbang ng Pangulo na tugunan ang hinaing ng taumbayan hinggil sa inflation. “Narinig niya ang mga kailangan natin,” aniya, “at iyon ang mahalaga.”