Screenshot from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Nagbabala ang isang eksperto sa sikolohiya ukol sa matinding epekto ng emotional suppression o ng pagtatago ng totoong nararamdaman.
Sa panayam sa programang “Warm Heart” kay Ginoong Romar Jerome Claveria, RPsy, RPM, isang kilalang psychologist at Managing Partner ng Alaya Psychological Services, binigyang-diin nito na ang patuloy na pagpigil sa mga negatibong emosyon ay may pangmatagalang panganib sa kalusugang mental ng isang indibidwal.
Ayon kay Claveria, ang matagalang pagbabaon ng emosyon ay maaaring humantong sa mas malalang mental disorder.
Nilinaw niya na ang makaramdam ng lungkot at galit ay normal na bahagi ng pagiging tao. Gayunpaman, ipinaalala rin ng eksperto na kaakibat nito ang pananagutan.
“Kinakailangan pa ring maging responsable sa pagpapahayag ng ating mga saloobin, partikular na ang galit at kalungkutan,” pahayag ni Claveria.
Sa paksang “Kumusta Ka, Talaga?”, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng tamang pagsusuri upang matulungan ang mga nakakaranas ng labis na bigat ng kalooban.
Dagdag pa ng eksperto, sa pamamagitan lamang ng sapat at propesyonal na assessment, masisiguro na magiging tumpak ang diagnosis sa isang indibidwal, na siyang susi upang maibigay ang tamang suporta at interbensyon para sa kanyang mental health.
Samantala, iginiit ni Claveria na hindi sapat ang “open-door policy” upang labanan ang toxic positivity sa trabaho at kinakailangang tiyakin ng kumpanya ang tunay na psychological safety.
Aniya, kailangang makita ng mga empleyado na ligtas silang magbahagi ng mga suliranin nang walang takot sa parusa o pagkapahiya upang makabuo ng isang safe space.