Lumagda ang Estados Unidos at Pilipinas sa isang limang taong kasunduan sa kalusugan na nagkakahalaga ng hanggang P42 bilyon upang palakasin ang pagtugon sa HIV, tuberculosis o TB, at iba pang banta sa kalusugan.
Sa kasunduang nilagdaan noong July 22, layon ng Health Strategic Objective Agreement na mapahusay ang pagtukoy, paggamot, at pag-iwas sa HIV at TB, gayundin ang pagpapalakas ng disease surveillance at outbreak response sa bansa.
Sa ilalim ng kasunduan, maglalaan ang pamahalaan ng Pilipinas ng mahigit P30 bilyon sa susunod na limang taon para sa pagpapalakas ng health system, habang inaasahang magbibigay ang Estados Unidos ng higit P11.8 bilyon bilang suporta sa mga programang pangkalusugan at pagpigil sa pagkalat ng mga nakahahawang sakit.
Ayon sa dalawang bansa, bahagi rin ng kasunduan ang pagpapalakas sa kakayahan ng Pilipinas na pondohan at pamahalaan ang sarili nitong sektor ng kalusugan.