Ipinanawagan ni Bureau of Customs Commissioner Ariel Nepomuceno sa mga opisyal ng ahensya na ipagpatuloy ang pagpapataas ng revenue collection, pagpapalakas ng kampanya laban sa smuggling, at pagpapatupad ng mga reporma upang mapanatili ang magandang performance ng BOC.
Sa ginanap na Collectors’ Conference sa Port of Batangas, tinalakay ang performance ng iba’t ibang district collectors at mga prayoridad ng ahensya. Binigyang-diin ni Nepomuceno ang mga nagawa ng BOC sa nakalipas na isang taon, kabilang ang mas mataas na revenue collection, mas mabilis na trade facilitation, pinaigting na anti-smuggling operations, at mga repormang pang-institusyon.
Kinilala rin sa pagpupulong ang mga intelligence operatives na nakasamsam ng bilyong pisong halaga ng mga ilegal na sigarilyo, gayundin ang pinalakas na ugnayan ng BOC at Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa smuggling.
Pinarangalan din ang ilang pantalan na lumampas sa kanilang collection targets, kabilang ang Manila, NAIA, Cebu, Batangas, Limay, Clark, Iloilo, at Manila International Container Port.
Sa pagtatapos ng kumperensya, hinikayat ni Commissioner Nepomuceno ang lahat ng kawani ng BOC na ipagpatuloy ang pagsusulong ng integridad, pananagutan, at modernisasyon upang higit pang mapabuti ang serbisyo publiko at ambag sa pambansang kaunlaran.